Tag-ulan na naman.
Wala na naman tigil ang pagpatak ng ulan.
Wala ka ng masilayang araw sa langit.
Nakakalungkot.
Nakakabagot.
Nakakainip.
Nakakabwisit.
Hindi mo alam kung bakit may kirot kang nararamdaman,
May nananakit ba sayo ngayon o may naaalala ka lang ba?
Ang kabataan mo ay pilit inaalala.
Ang nakalipas ay pilit iniisip pa.
Ang dating mga tao sa buhay mong nawala na ay
hindi na magbabalik pa,
subalit paminsan-minsan, ika’y umaaasang baka makita sila sa inyong dating tagpuan.
Ang tugtog sa radyo na madalas nyong kantahin noon,
kapag kakantahin mo ngayon ay wala ng halong saya, kirot, tamis o kahit ano pa mang pakiramdam para sa inyo.
Isa na lamang syang lumang tugtugin sa radyo. Nagpapaalala.
Makikita mo ang mainit na kape at ikaw ay maluluha.
Dahil siguro naaalala mo ang mga walang kabuluhang mga huntahan nyong magkakapatid sa bahay noong mga bata pa kayo.
Ang pagpatak ng ulan sa yero ay nakakapanghina sayo.
Pano pilit na binabalik ng alaala mo ang mga kakulitan nyo ng kaibigan mo noong iniintay nyo ang sundo nyo dahil sinabi sa radyo na wala ng pasok.
Naaalala mo ang mga panahon na masarap matulog.
Na masarap ang paghigop ng sabaw.
Na masarap ang pakiramdam kapag umuulan at walang pasok habang ikaw ngayon ay nasa upuan ng opisina mo at nagtatrabaho
Asan na ba ang kahapon? Ganon na lang ba kabilis ang pagtakbo nito?
Naiisip mo kung bakit ka nalulungkot.
Tumingin ka sa langit at wala kang makitang sinag ng liwanag.
Napangiti ka..
Tag-ulan na.
At lagi kang nalulungkot pag tag-ulan.
Tag-ulan
June 4, 2009 by Alen